Lalaki, humingi ng P20,000 para sumipot sa church wedding, timbog

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 10:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos ipaaresto ng babaeng pinakasalan niya sa huwes dalawang linggo pa lang ang nakalilipas.

Sa loob ng isang restaurant sa Quezon City natimbog si Raul Domingo sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). 

Kuwento ng babaeng overseas Filipino worker (OFW), ikakasal pa sana sila sa simbahan pero sinubukan pa aniya siyang kikilan ni Domingo. 

Nakilala niya ang asawa sa Facebook at limang buwan din silang naging magnobyo.

Ilang beses nagpadala ng pera ang biktima kay Domingo para panggastos sa kanilang kasal. 

Nitong Disyembre 11 naganap ang kanilang civil wedding at nakatakda sanang ikasal sa simbahan ngayong Biyernes, Disyembre 22.

Ang problema, hindi na raw nakipag-ugnayan si Domingo sa misis at sa halip at nangikil pa ng P20,000.

"Humingi siya ng P20,000, sabi niya pang-ayos niya sa sarili niya bago ang kasal. Nalaman ko pa na hindi pala niya ibinayad din 'yung sa catering at lahat ng ipinadala ko sa kaniya na abot P80,000," kuwento ng biktima.

Ayon sa pulisya, iimbestigahan nila kung modus na talaga ito ng suspek.

"Yung pera hiningi para ituloy nila ang kasal. Ngayon, inaaalam natin kung modus ba talaga niya ito o kung may nabiktima pa siya na iba," ani Senior Inspector Paolo Benito, deputy chief ng CIDG Quezon City.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag si Domingo na nahaharap sa kasong robbery-extortion at violence against women. 

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.