Buhok ng 3-anyos na bata, naipit sa escalator ng mall

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 08:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang 3-anyos na batang lalaki ang naaksidente sa isang mall sa Davao City kahapon matapos maipit ang buhok nito sa escalator.

Nagtamo ng gasgas sa kamay ang bata matapos pigilan nitong matangay ang naipit na buhok.

Batay sa imbestigasyon ng mall, napag-alamang naglalaro ang bata sa escalator habang hindi siya binabantayan ng kanyang mga magulang.

Umakyat ito sa escalator na pababa ang direksyon kung saan nangyari ang aksidente.

Agad naman rumesponde ang guwardiya ng mall matapos marinig ang sigaw ng bata at pinindot ang emergency stop button.

Dinala sa ospital ang bata at wala naman itong natamong bali sa kamay.

Ayon sa management ng mall, may mga safety measures silang isinasagawa kung may mga nangyayaring disgrasya.

Paalala nila ulit sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak. - ulat nina Vina Araneta at Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.