ALAMIN: Bakit nagpaalam si Ces Oreña-Drilon sa Bandila?

ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 01:17 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagpaalam na nitong Huwebes, Disyembre 21, sa programang "Bandila" ang anchor nitong si Ces Oreña-Drilon. 

Tututok na ngayon ang award-winning broadcast journalist sa bagong hamon bilang content acquisition head ng ABS-CBN Lifestyle Ecosystem Group.

"Siguro 'yong mga pinakamalalaking balita na nagawa ko sa aking career bilang mamamahayag, dito sa Bandila nagawa," sabi ni Drilon sa dulo ng programang Bandila.

Handang-handa naman si Oreña-Drilon na sumabak sa bagong yugto ng kaniyang karera bilang isa pa ring Kapamilya.

"Nakikita naman natin na iba na kumbaga ang pagkonsumo ng ating mga audience sa kanilang content. Iba na, hindi na lahat nanonood ng telebisyon. Although marami pa rin. Marami ang nasa digital na, nasa internet, kaya ang hamon sa atin ay sundan kung nasaan ang audience natin," sabi ni Oreña-Drilon

"Ang gagawin ko po 'yong mga tungkol sa lifestyle, 'yong mga tungkol sa kung saan-saan sila kumakain, ano 'yong pinapanood nila, ano ba 'yong nagbibigay-saya at aliw sa ating mga audience."

Si Oreña-Drilon ang isa sa original anchors ng Bandila nang magsimula ito noong taong 2006.

"Kung dati po boss si Ces Drilon, ngayon mas boss pa siya sa kaniyang pupuntahan," pabirong sabi ni Henry Omaga Diaz sa kaniyang papaalis na co-anchor.

Sa kaniyang bagong posisyon, si Oreña-Drilon ang mangunguna sa pagbuo o pangangalap ng mga partikular na klase ng ulat at kuwento para sa ABS-CBN, na lalong pinaiigting ang posisyon nito bilang isang digital company.

Nagpahayag ng buong suporta si ABS-CBN Head of Integrated News Ging Reyes sa bagong yugto sa karera ni Oreña-Drilon. 

“I am very happy that she is evolving. Her journalistic skills and her mastery of storytelling that she developed through the years working in the field and as an anchor will surely come in handy as she leads in building up the lifestyle content of ABS-CBN in line with the company’s digital thrust,” ani Reyes. 

Pinasalamatan din ni Reyes ang multi-awarded journalist na nagsimula bilang business reporter. 

Isa si Oreña-Drilon sa pinakapremyadong mamamahayag sa Philippine broadcasting. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.