3,000 residente sa Compostela Valley, inilikas dahil sa bagyo

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 05:26 AM

 

Mahigit 3,000 indibidwal sa iba't ibang bayan ng Compostela Valley ang inilikas sa mga evacuation center sa paghahanda ng pagdating ng bagyong Vinta.

Ang mga apektadong pamilya ay galing sa mga bayan ng Pantukan, New Bataan, Mawab, Maragusan, Monkayo at Nabunturan, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ng Compostela Valley.

Sa bayan ng Monkayo, tinatayang 15 pamilya ang nirescue matapos magsilikas sa kanilang bahay dahil sa lampas baywang na tubig.

Ayon sa mga residente, di nila inasahan na aapaw ang creek kaya di sila sumunod sa pre-emptive evacuation kahapon.

"Di namin inakala na aapaw ang tubig kaya nung paglampas ng tubig sa tuhod, umalis na kami," kwento ni Cristita Abuel.

Ayon kay Barangay Poblacion Chairman Allen Cabag, dadalhin nila sa evacuation center sa Monkayo Central Elementary School ang mga bakwit.

Patuloy na minomonitor rin ng barangay ang Agusan River kung saan nasa normal pa ang level ng tubig.

Pasado alas-4 ng madaling araw, naranasan na ang malakas na unos at hangin sa Barangay Poblacion. Nagkaroon na rin ng blackout sa ilang lugar. - ulat ni Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.