1 patay, 3 sugatan sa pagguho ng bubong sa Butuan City Jail

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Dec 22 2017 03:32 PM

1 patay, 3 sugatan sa pagguho ng bubong sa Butuan City Jail

BUTUAN CITY - Isa ang patay habang tatlo naman ang sugatan matapos mabagsakan ng gumuhong kongkretong bubong ang isa sa mga selda ng Butuan City Jail Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawing bilanggo na si Fajad Pandiin, 23, habang nasa ospital naman ang isa pang bilanggo na si Roden Bacor matapos magreklamo ng pananakit ng likod at tuhod.

Nagtamo naman ng mga galos ang dalawa pang bilanggo ngunit sa kulungan na lamang nagpapagaling.

Kuwento ni Bacor, natamaan ang kaniyang batok nang tuluyang bumigay ang semento na nagsisilbing bubong ng kanilang selda.
Nahulog din ito mula sa tinutulugang triple deck kaya nabali ang tuhod niya.

Ayon sa pahayag ng jail warden na si Senior Insp. Marlon Castelo, ilang araw na kasing laging nababasa ng tubig-ulan ang bubong ng selda na may kalumaan na rin dahil halos 20 taon na ang gusali.

Sinagot ng Bureau of Jail Management and Penology ang pagpapagamot sa na-ospital na preso habang bibigyan naman ng tulong pinansiyal ang pamilya ni Pandiin.

Pansamantala munang matutulog sa gilid ng opisina ng City Jail ang mga apektadong bilanggo para masiguro ang kanilang kaligtasan dahil patuloy pa rin ang buhos ng ulan dala ng bagyong "Vinta."

Nilinaw naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council ng Butuan, hindi pa nila masasabing may kaugnayan sa bagyo ang pagguho ng bubong sa kulungan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.