PatrolPH

Pagkain, tubig, tent hiling ng mga nasalanta sa Siargao Island

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2021 10:18 AM | Updated as of Dec 21 2021 07:22 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA (UPDATE)— Matinding hirap ang pinagdadaanan ngayon ng mga taga-Siargao Island, kung saan unang nag-landfall noong nakaraang linggo ang Bagyong Odette, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Pagkain, tubig at mga construction material ang ilan sa mga pangunahing panawagan ng mga residente doon.

"Kawawa talaga. Wala na kami matitirhan. Kahit isang kahoy, wala kami makuha," sabi ng residenteng si Dicdic Kongreso.

"Sana kung may makakita man dito sa amin, kahit kaunting tulong lang, pangkain lang namin. Kahit tubig, walang tubig dito. Kahit bigas, wala nang mabibilhang bigas dito," dagdag niya.

Pinadapa rin ng Odette ang bayan ng Dapa, ang sentro ng Siargao Island.

Lahat ng bahay ay nagtamo ng matinding pinsala at kahit ang mga gusali'y hindi kinaya ang lakas ng hanging dala ng bagyo.

Sa bayan ng General Luna, iilang bahay na lang ang nakatayo at marami sa mga biktima ay walang masilungan.

Gutom na umano ang nararanasan ng ilang residente.

Dahil putol din ang linya ng komunikasyon, wala rin silang paraan para makahingi ng tulong sa labas ng isla.

"Wala naman kami hanapbuhay puro kami matanda. Nanawagan sana ako sa anak ko sa Calumpit," sabi ni Aurita Dibasato.

Ang bayan ng General Luna ang sentro ng turismo sa Siargao.

Paraiso ito kung ituring ng mga residente at turista pero ngayo'y larawan ito ng paghihirap mula sa bagsik ng Odette. Wasak din ang lahat ng hotel.

Maraming turista ang umalis na sa Siargao pero ang Spanish national na si Adrian Estevan ay nagpasyang manatili para tumulong sa mga nasalanta.

"This is my second country. Siargao, this is my home. So I wanna stay here, I wanna help here, the best way I can help," ani Estevan.

Nanawagan din si Surigao del Norte Gov. Francisco Matugas para sa temporary shelter at construction materials.

Sa ngayon, umabot na sa 16 ang naitalang nasawi sa Siargao Island.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.