Hinatiran ng food packs ng ABS-CBN Foundation ang mga residente ng Barangay Camugao, Kabankalan, Negros Occidental noong Disyembre 21, 2021 matapos silang masalanta ng Bagyong Odette. Weng Paraan, ABS-CBN News
Dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette, nasira ang mga bahay at nalubog sa putik ang mga sakahan sa Barangay Camugao, na nagsu-supply ng gulay sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Hindi tuloy alam ng mga residente kung paano mababawi ang mga nawala sa kanila.
Sa ngayon, patuloy ring ibinabalik ang supply ng kuryente at tubig sa lugar.
Isa sa mga apektadong residente si Araceli Aplaon, na nawasak ang tahanan dahil sa malakas na hanging sinabayan ng malakas na agos ng ilog.
"Problema pa kami ngayon sa pagkain namin saka pambili din sa bahay kasi 'di pa matrabaho ang asawa ko," ani Aplaon.
Nabagsakan naman ng puno ang bahay ni Armando Aral at natumba rin ang mga pananim na saging na tanging kabuhayan nila ng kaniyang pamilya.
"Noong hindi po nangyari 'yong bagyo, hirap na hirap din kami sa pagkain kasi wala kaming mga trabaho... tapos 'yong dumating pa 'yong ganito," sabi naman ng residenteng si Armila Aral Manua.
Narating ng ABS-CBN News Public Service ang Kabankalan at una nang nadalhan ng relief packs mula sa Sagip Kapamilya ang mga taga-Barangay Camugao.
Bukod sa pagkain, patuloy na panawagan ng mga taga-Kabankalan ang malinis na tubig na maiinom.
— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, public service, ABS-CBN Foundation, Sagip Kapamilya, TV Patrol