PatrolPH

Bilang ng mga pasahero sa PITX umabot na sa 70,000 kada araw

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2020 04:22 PM

Bilang ng mga pasahero sa PITX umabot na sa 70,000 kada araw 1
Mga pasaherong nag-aabang ng biyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange nitong Disyembre 21, 2020. ABS-CBN News

MAYNILA — Umabot na sa 70,000 ang bilang ng mga pasahero kada araw sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) simula nitong weekend.

Ayon kay PITX Spokesperson Jason Salvador, malapit nang lagpasan ng bilang na iyon ang dami ng mga pasahero kada araw sa PITX noong wala pang pandemya.

Dahil dito, hamon para sa pamunuan ng terminal ang pagpapatupad ng physical distancing, isang hakbang bilang pag-iingat sa COVID-19.

"Halos same number na ito ng pre-COVID times. Humingi na tayo ng tulong sa gobyerno," ani Salvador.

Dumami ang mga pasahero dahil sa uwian ng mga tao para sa holidays.

Dinagdagan din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang biyahe sa ibang probinsiya, tulad ng Baguio at Batangas.

Samantala, hindi naman makabiyahe ang ilang pasahero dahil may kasamang bata at matanda.

Ayon kasi sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, hindi pinapayagan ang mga bata at senior citizens na bumiyahe pauwi ng mga probinsiya kung sakay ng mga bus, lalo kung walang travel authority.

Isa sa mga sinabihang baka hindi siya makasakay ng bus ay si Genevy Dino, na kasama ang kaniyang 4 na taong gulang na anak sa PITX.

Sa Lipa, Batangas papunta si Dino para doon mag-Pasko kasama ang ibang kaanak.

Pinilit niyang makapasok ng terminal pero hindi rin nakalusot kaya uuwi na lang siya muli sa Novaliches, Quezon City.

Nanghihinayang umano siya sa P300 na pinang-taxi papunta sa terminal.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.