P2 milyong pabuya sa pagresolba sa Hyrons kidnapping, ibinigay na

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 02:24 PM

Iniabot ni Zamboanga del Sur Gov. Victor Yu ang P2 milyong pabuya sa impormanteng naging daan para masagip ang mag-asawang Hyrons sa kamay ng Abu Sayyaf group. Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Ibinigay na ng provincial government ng Zamboanga del Sur Sabado ng umaga ang P2 milyong pabuya sa impormante na naging instrumento sa pagkakasagip sa Briton na si Allan Hyrons at asawa nitong si Wilma.

Ang P1 milyon ay galing sa probinsiya habang pinag-ambagan naman ng mga bayan sa lalawigan ang P1 milyon.

Matatandaang dinukot ang mag-asawa sa kanilang resort sa bayan ng Tukuran, Zamboanga del Sur noong Oktubre 4.

Nasagip ng mga sundalo ang mag-asawa matapos makipagbakbakan sa grupo ng Abu Sayyaf noong Nobyembre 25.

Pero ayon kay Lt. Gen. Cirilito Sobejana, hepe ng Western Mindanao Command, hindi naging madali ang pagsagip sa kanila dahil umabot din sa tatlong beses ang kanilang engkuwentro sa Abu Sayyaf.

“Natulak natin itong grupo sa isang corner at nung nandun na sa isang corner maliit na lamang iyung space kung saan nag-concentrate tayo ng effort, doon pumasok ang ating guide na taga-roon sa area, kabisado ang tao, kabisado ang lugar,” sabi ni Sobejana.

Napatay nila sa engkuwentro ang subleader ng Abu Sayyaf at sinasabing utak ng kidnapping na si Sibih Pisih.

Nais naman ni Gov. Victor Yu na paigtingin pa ang intelligence monitoring para maiwasan ang ganitong pangyayari.

Patuloy pa rin ang paghahanap ng militar sa iba pang person of interest sa likod ng kidnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.