Nangongontrata o abusado ba ang driver ng nasakyan mong taxi? I-video, isuplong sa LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 11:27 AM | Updated as of Dec 21 2019 12:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinaigting pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang operasyon ngayong Pasko hanggang Bagong Taon laban sa mga taxi driver na namimili ng pasahero o 'di kaya'y nangongontrata.

Ayon sa ahensiya, dapat isuplong ng mga pasahero ang mga mapagsamantalang tsuper.

"Para po sa mga pasahero natin, lalo na ngayong Christmas season, advice po namin sa kanila sa mga kasong 'pag sumasakay sila ng taxi at hindi sila sinasakay o minsan nangongontrata, kunin lang nila 'yung pangalan ng taxi, plate number," pahayag ni Director Joel Bolano, hepe ng LTFRB Technical Division.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Bolano na mayroon silang social media accounts at hotline number na puwedeng ma-access o matawagan ng publiko para maipaabot ang kanilang mga reklamo laban sa mga abusadong taxi driver.

"Pag nakuha natin 'yun automatic nating pinapatawag 'yung operator at driver ng taxi na 'yun," sabi ni Bolano.

Sakali namang habang nakasakay na sa taxi mangyari ang paglabag ng mga driver, payo ni Bolano na i-video o kunan ng larawan gamit ang mga smartphone para maging pruweba sa ginagawang ilegal na gawain.

"May smartphones naman po tayo para po doon sa ebidensiya... makuhanan po sana natin ng video o photo para mas madali natin silang makuha," sabi niya.

Taong 2016 nang unang inilunsad ang Oplan Isnabero na layong protektahan ang mga pasahero sa mga taxi driver na hindi sumusunod sa mga panuntunan na nakasaad sa kanilang prangkisa tulad ng tamang paggamit ng metro, safety regulations, fare change, pagsuot ng ID at pagbabawal na tumanggi sa mga pasahero.

"Kami po ay nakikiusap sa inyo na sana po ay gamitin natin ng tama 'yung ating serbisyo bilang taxi. Kung ano ang nakalagay o nakasaad sa ating prangkisa, 'yun po ang ating ipatupad," sabi niya.

Maaring mapatawan ng P5,000 multa ang mga tatangging magsakay ng pasahero o mahuhuling nangongontrata, ayon kay Bolano.

"Ang pinapatawag natin si operator because the violation is in reference to the franchise. Si driver, pagka-extreme talaga ang violation irerecommend natin sa LTO (Land Transportation Office) for action on the license of drivers," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.