Magkasintahan timbog sa ilegal na pagbebenta ng MMFF passes

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 03:51 PM | Updated as of Dec 21 2019 06:15 PM

MAYNILA (UPDATE) — Arestado nitong Sabado sa Makati City ang magkasintahang nabistong ilegal na nagbebenta ng passes para sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chief of staff Mike Salalima, nagkasa sila ng entrapment operation laban sa mga suspek matapos makitang iniaalok nila sa Facebook ang libreng passes sa halagang P450.

Ang passes ay complimentary tickets ng MMDA sa mga empleyado at hindi ipinagbibili.

Nakumpiska sa 2 suspek ang higit 200 passes sa MMFF.

Hindi empleyado ng MMDA ang 2 nahuli. Ayon sa kanila, may nagbigay lang daw sa kanila ng mga passes pero hindi pa nila ito pinapangalanan.

Nakapiit ang 2 habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Samantala, kinondena naman ng MMDA ang nadiskubreng bentahan ng complimentary tickets.

Ipinaalala ni MMDA chairman Danilo Lim hindi maaaring ipagbili ang MMFF passes at nangakong tutugisin ang mga mahuhuling gagawa nito.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.