Libo-libo dagsa na sa bus terminals sa huling weekend bago mag-Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 03:49 PM | Updated as of Dec 21 2019 09:31 PM


MAYNILA — Ngayong huling weekend bago ang Pasko, dagsa na sa iba't ibang bus terminal ang mga bibiyahe sa probinsiya para doon mag-holiday. 

Katunayan, karamihan sa mga biyahe ay fully-booked na. 

Sa Florida Bus sa Sampaloc, Maynila, nakapaskil sa mga ticketing booth ang karatulang nagsasabing wala nang bakante ang mga biyahe ngayong Sabado hanggang sa mga susunod na araw. 

Sa Victory Liner terminal sa Maynila, fully-booked na rin ang mga biyahe pa-Tuguegarao, San Mateo, Santiago, Roxas, at Ilagan hanggang Disyembre 24. 

Pati ang bus terminals sa Cubao, Quezon City, punuan na rin. 

Ayon sa pamunuan ng Araneta City bus station, pumalo na sa higit 5,000 ang mga pasaherong dagsa doon ngayong Sabado.

Watch more in iWantTFC

Kaya marami sa mga pasahero, nagbabaka-sakaling makatsamba bilang chance passenger. 

Sabi naman ng mga bus company, magdaragdag sila ng biyahe depende sa pangangailangan kaya abang-abang lang daw ang mga wala pang ticket.

Inaasahan pa ang patuloy na pagdagsa ng mga pasahero hanggang sa mga susunod na araw bago ang mismong araw ng Pasko sa Miyerkoles. 

Kasado na rin ang seguridad sa paligid ng mga bus station at may mga nakapuwestong pulis sa bawat terminal.

—Ulat nina Michael Joe Delizo at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.