Kailan nagiging ilegal ang pangangaroling ng mga kabataan?

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 02:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Tuwing panahon ng Pasko ay nagsisilabasan sa kalsada ang mga kabataan upang mangaroling, na bahagi na ng tradisyong Pinoy. 

Pero paalala ng abogadong si Claire Castro, nagiging bawal ang pangangaroling kung gagamitin ang bata ng isang matanda para pagkakitaan. 

Alinsunod ito sa Anti-Mendicancy Law kung saan ipinagbabawal ang panlilimos. 

"Kung ginawa ng bata 'yun for 'fun' in the spirit of Christmas, hindi siya mako-cover ng batas na ito. Pero kung ito 'yung way mo para kumita... At ikaw ay nagagamit ng parents mo para sumuporta sa pamilya, iyon ay covered ng Anti-Mendicancy Law," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Ginawa umano ang naturang batas para maiwasan ang child exploitation o pananamantala sa kabataan. 

Para naman kay ABS-CBN News reporter Mike Navallo, na isa ring abogado, maaaring mahirap tukuyin kung sino sa mga kabataang nanlilimos ang exploited ng kanilang magulang. 

Nanawagan si Castro na idulog sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga insidente ng panlilimos. 

Bukod sa paglabag sa Anti-Mendicancy Law, maaaring sampahan ng kasong child abuse ang mga magulang na hahayaang manlimos ang kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.