Guro higit 1 dekadang naghulog para sa housing loan na 2005 pa kanselado

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 07:04 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isang guro ang patuloy na kinaltasan ng hulog ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa low-cost housing loan na nakansela na pala noon pang 2005.

Reklamo ng 58-anyos na si Solita Deyro, hindi man lang siya sinabihan ng ahensiya.

Kuwento ni Deyro, 2001 nang kuhanin niya ang loan. Halagang P2,000 daw ang kinakaltas sa kaniya kada buwan mula noon.

Ni minsan, hindi nabisita ng guro ang pabahay na hinulugan kaya nagulantang siya nang malamang 2005 pa pala ito nakansela. 

"Sabi ko paano na-cancel? San napupunta 'yung kinakaltas niyo sa akin?"

Kahit Hulyo 2018 pa niya ni-request na itigil ang kaltas, Agosto 2019 lang ito pinutol ng GSIS.

Pinuntahan ng "Tapat Na Po" ang GSIS para hingan sila ng paliwanag.

Ayon sa ahensiya, P4,000 daw kasi ang dapat buwanang hulog ni Deyro pero P2,000 lang ang nakakaltas sa kaniya kaya nagpatong-patong ang penalty. 

Gayunpaman, nitong Biyernes, ganap nang natanggap ni Deyro ang refund sa kaniyang higit 1 dekadang hulog. 

Sa mga konsumer na nais na magpadala ng reklamo, mag-post lang sa Facebook page ng Tapat Na Po. 

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.