7 na nasugatan sa lindol sa Davao del Sur, nagpapagaling pa din sa ospital

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 12:50 AM

DAVAO CITY - Inoobserbahan pa din ng mga doktor sa Southern Philippines Medical Center ang ilan sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol noong Linggo sa Davao del Sur, ayon sa talaan ng ospital.

Isa si Mark Joseph Tabanao sa mga nasugatan sa lindol, kung saan 11 ang nasawi.

Hanggang ngayon, 'di pa rin niya maigalaw ang kanyang katawan matapos nadaganan ng semento at debris sa gumuhong South Green marketing sa bayan ng Padada sa Davao del Sur.

Ayon sa kapatid niya na si Jimarie, kinakailangan niya ma-operahan dahil may fracture ang spine nito, at may naipit din na ugat.

Nagtamo din ng sugat sa ulo ang biktima nang mabagsakan siya ng hagdanan ng gusali.

"Wala siyang maramdaman. Nangangalay daw ang kanyang mga paa kaya minamasahe ko,” ani Jimarie.

Nakakarecover naman ang isa din sa mga naapektuhan na si Arjay Macadat mula sa mga pasa at sugat na natamo niya matapos mabagsakan siya ng semento sa Padada.

Ayon kay Arjay, dumaan lang siya sa isang grocery store nang bigla siyang makaramdaman ng malakas na pagyanig.

"Pag-rescue nila, wala akong malay nang mag-collapse. 'Yung unang nabagsakan 'yung likod ko, nadaganan," aniya.

Sa ngayon, 7 pa sa mga sugatan sa lindol sa Davao del Sur ang ginagamot pa sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.