6 na bomberong reresponde sana sa sunog, sugatan sa aksidente

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 01:39 PM

Anim na bombero ang nasugatan matapos na sumalpok ang kanilang fire truck sa nakaparadang 10-wheeler truck sa Himamaylan, Negros Occidental, Biyernes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, may sunog sanang rerespondehan ang mga bomberong sakay ng fire truck nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay Himamaylan police chief Police Lt. Ervin Glenn Provido, sinabi umano ng fire truck driver na si FO2 Ruben Villafranca na nasilaw siya sa kasalubong na patrol car ng pulisya kaya kumabig pakanan at tuluyang nabangga sa nakaparadang truck.

Dagdag pa ni Provido na posibleng hindi nakita ni Villafranca ang nakaparadang truck dahil wala itong early warning device.

Isang bombero na lamang ang patuloy na ginagamot sa ospital habang nakauwi na ang iba pa niyang mga kasamahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.