2 sugatan sa banggaan ng 2 bus sa CamSur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 04:28 PM

Natumbok ng bus na galing Maynila ang isang mini bus na ikinasugat ng dalawang pasahero nito sa bayan ng Bato sa Camarines Sur. Mylce Mella, ABS-CBN News

BATO, Camarines Sur – Dalawa ang sugatan matapos tumbukin ng isang pampasaherong bus ang sinusundan nitong mini bus, Sabado ng umaga dito sa bayan.

Sakay umano ng mini bus na galing Naga at papuntang Legazpi ang mga nasugatang biktima.

Kuwento ng driver ng bus, bigla raw huminto ang mini-bus at hindi na niya napansin kung nag-signal light ito.

Sinubukan pa umano niyang iwasan pero hindi na kinaya. Kinabig niya pakaliwa ang minamanehong bus na nahulog sa kanal. Ligtas ang 33 niyang pasahero at kapwa driver.

Ayon naman sa konduktor ng mini-bus, tumigil sila para magbaba ng pasahero nang bigla na lang silang binundol ng kasunod na bus.

Sa lakas ng impact, nahulog ang mini-bus sa may gilid ng kalsada at inabot pa ang isang bahay.

Rumesponde naman sa lugar ang mga taga-Department of Public Works and Highways na tutulong sa paghatak sa nahulog na mini-bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.