2 Philippine Marines, arestado matapos mamaril sa plaza sa Iloilo

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2019 08:43 PM

DINGLE, Iloilo—Dalawang miyembro ng Philippine Marines ang hinuli matapos ireklamo na nagpaputok umano ng baril sa plaza sa bayan na ito habang nasa impluwensya ng alak nitong Biyernes.

Kinilala ang mga suspek na residente ng Barangay Abangay sa bayang ito.

Ayon sa hepe ng Dingle Police na si Capt. Fernando Punzalan Jr., inireklamo ang dalawa ng isang may-ari ng kiosk sa plaza.

Sinita umano ng isa sa mga suspek ang may-ari sa di alam na rason bago sinipa ng sundalo ang biktima. Bumunot din umano ito ng baril at pinaputukan ang may-ari pero hindi natamaan ang biktima.

Rumesponde naman ang isang barangay tanod pero tinutukan din ito ng baril ng sundalo.

Malapit lang sa lugar ng pulisya ang pinangyarihan ng insidente kaya mabilis silang nakaresponde, at doon naaktuhan ang pangalawang sundalo na nagpapaputok din umano ng baril sa lupa. Agad hinuli ang mga sundalo.

Narekober sa isang sundalo ang isang 9mm kalibre ng baril, dalawang magazine, at 11 na live ammunition. Napag-alaman na kaniya ang issued firearm.

Nakuha naman mula sa ikalawang sundalo ang isang .45 caliber na baril, dalawang magazine, at 12 na ammunition. Wala siyang naipakitang dokumento para sa mga ito kaya itinuring ito ng pulisya na loose firearm.

Paniwala ng pulisya, naka-holiday break ang dalawa kaya sila nasa lugar. Nakadestino sa Tawi-Tawi at sa Lanao Del Sur ang mga suspek.

Nahaharap sa kasong attempted homicide at grave threats, at illegal possession of firearms at illegal discharge of firearms ang mga suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.