Kolorum na mga bangka, huwag tangkilikin: Coast Guard

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 09:13 AM | Updated as of Dec 21 2018 09:30 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinag-iingat ng Philippine Coast Guard ang mga pasahero laban sa kolorum na mga bangkang mag-aalok na magtawid sa kanila sa dagat. 

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, hiniling ni Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, sa publiko na huwag tangkilikin ang mga kolorum na bangka.

"Wala pong mga life-saving equipment 'yan. Delikado po 'yan," sabi ni Balilo.

Ayon kay Balilo kapag hindi dumaan sa coast guard o anumang clearing unit ang bangka, "most likely, kolorum 'yan."

Kung mukha ring fishing boat at walang life jackets sa loob ng bangka ay dapat na magduda rin na kolorum ito.

Sa kabila nito, mahigpit din binabantayan ng PCG ang mga bangkang tatanggap ng pasahero na lampas sa kanilang kapasidad.

"Sa buong Pilipinas po, mayroon kaming directive na hulihin kung sinuman ang mga bangkang magdadagdag ng bilang," sabi niya. 

Katulad ng inaasahan, makapal na rin ang bilang ng mga taong pumupunta sa mga pantalan para makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

"Dito sa Maynila, fully-booked lahat ng barko at sa Western Visayas, medyo mataas na ang bilang ng mga pasahero na nagta-travel," ani Balilo.

Tiniyak naman niya ang seguridad ng mga biyahero at ipinaalala ang pagbabawal na magpuslit ng paputok.

"Wag n'yo na pong tangkaing dalin sapagkat maraming inspectors," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.