'Katiwala' ng tindahan, tumangay ng 50 relo, alahas mula sa amo

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2018 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bistado ang modus operandi ng isang babae na nakuhanan ng CCTV habang nililimas ang may 50 relo at mga alahas na tinda ng kaniyang amo sa shop nito sa Sto. Domingo, Quezon City.

Ayon sa biktima, isang araw pa lamang niyang katiwala sa shop ang suspek na si Jenny Trinidad na inirekomenda ng isang kakilala.

Sa CCTV, kitang-kita ang pagtangay ng babae sa mga gamit na nagkakahalaga ng higit P100,000, sabay takas matapos isagawa ang krimen.

Ayon sa mga awtoridad, inilalako na sa Quiapo, Maynila ang mga ninakaw na alahas at relo ni Trinidad.

Sa isang entrapment operation ay positibong kinilala ng biktimang si Miraflor Mutug ang suspek na si Trinidad.

"Inirekomenda po siya sa akin akala ko mabait kasi ang ayos niya kausap. Iyun pala magnanakaw at modus operandi na niya iyan. Siya po 'yung nagnakaw ng mga paninda ko," ani Mutug.

Nadiskubre naman ng Quezon City Police District (QCPD) station 1 na matagal na itong modus operandi ni Trinidad.

"Modus niya mag-apply na kasama sa bahay pero pagnanakaw ang pakay. Lahat ng pinapasukan niya ninakawan niya," ani Superintendent Camlon Nadosman, hepe ng naturang istasyon.

Aminado naman sa nagawang krimen si Trinidad, na nagsabing hindi ito ang unang beses na nagawa niya ang ganoong krimen.

Naibenta na rin daw niya ang ilan sa mga ninakaw na alahas at relo.

"Pang-apat na po ito sa nabiktima ko. Pasensiya na po ate," ayon sa suspek.

Nag-iwan naman ng babala ang mga pulis sa publiko sa ganitong modus.

"Sana po hingan ng NBI (National Bureau of Investigation) clearance muna o police clearance bago tanggapin at alamin maigi ang background nito bago kunin," ani Nadosman.

Nahaharap sa kasong qualified theft ang suspek.

Hinihikayat naman ng QCPD ang iba pang nabiktima na magsampa ng karagdagan pang kaso laban kay Trinidad.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.