TINGNAN: Epekto ng bagyong Urduja sa Almeria, Biliran

Mel Bingco, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 10:35 AM

Anim na araw matapos ang bagyong Urduja, puro putik pa rin ang ilang daanan sa bayan ng Almeria sa Biliran nitong Huwebes.

Hirap sa paglilinis ang mga residente lalo't kulang ang suplay ng tubig.

Ang iba naman ay sa kulungan ng baboy na naglalaba at nag-iigib dahil doon lang may suplay pa ng tubig mula sa gripo.

Ayon kay Mayor Richard Jaguros, 30 porsyento pa lang ang naibabalik sa kanilang water supply. Ito ay dahil naapektuhan ng pagguho ng lupa ang kanilang water pipes.

Nasira din ang ilang bahay malapit sa dagat dahil sa malalakas na alon at baha.

Mabuti na lang at wala namang nasawi dahil kaagad nakalikas ang mga residente bago pa bumagyo.

Sabi naman ng lokal na pamahalaan, higit 3,000 pamilya ang apektado ng bagyong Urduja sa Almeria at lima ang namatay sa landslide.

Nagsimula na rin silang mamigay ng relief goods Huwebes at naghahanda na rin sa posibleng epekto ng panibagong bagyong Vinta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.