Reporter sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 08:52 PM | Updated as of Dec 21 2017 09:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kabilang ang reporter ng ABS-CBN News na si Doris Bigornia sa mga sugatan matapos madamay ang crew cab nila sa banggaang nangyari Huwebes ng hapon sa Shaw Boulevard underpass sa kahabaan ng EDSA. 

Nasugatan sa ulo si Bigornia habang hindi naman makagulapay ang cameraman na si Marco Gutierrez matapos silang salpukin ng tumawid na SUV na tinumbok naman ng isa ring SUV. 

Ang mga nasangkot sa karambola ay isang pickup truck, 2 sports utility vehicle, 2 pang sasakyan, at isang motorsiklo. 

Nakuhanan pa ng video ng assistant cameraman ni Bigornia na si Nelson Castor ang pinangyarihan ng insidente. 

“Pagtama sa amin, si Marco agad, hawak ‘yung kaniyang tagiliran. Si Ma’am Doris, dito sa ulo. (Nakapag-brace ka pa?) Nakapag-brace ng... (Nakapagtigas ka pa ng posisyon?) Opo, napakiramdaman ko rin ‘yong aking katawan kung mayro’n akong tama,” kuwento ni Castor.

Base sa dash cam video ng isa sa mga nasangkot na motorista, mabagal ang takbo nila.

“Takbo namin between 20 to 30 [kph] lang... Nakita ko ‘yung Montero papatawid ngayon, galing sa kabilang lane. Inapakan ko ‘yung preno, tinamaan pa rin niya ‘ko. Dire-diretso pa rin… Mabagal lang ako. Pero ‘yung Montero, may power ‘yung ano niya, ‘yung pagtama niya,” kuwento naman ng driver ng kotse na nabangga na si Jaime del Villar.

Taob naman ang sumalpok na SUV pero walang tinamong galos ang driver pati ang mga pasahero.

Paliwanag naman ng nagmamaneho ng SUV, hindi umano kumakagat ang kaniyang preno kahit pa itinodo niya ang apak dito.

“Ang bagal po ng takbo ng mga sasakyan, bigla na lang pong (gestures) pagka... (gestures) tumapak ako sa preno lalong bumibilis… Tapak ko sa preno, parang lalo pang natulin. (Sigurado kayong preno natapakan niyo?) Oo, preno po. Hindi po magkakamali dahil naririto ang ano eh, silinyador," ayon kay Magtanggol Arellano, driver ng tumaob na SUV.

"Talagang wala nang kontrol siya... Hindi na nga ako nakatapak sa silinyador, dire-diretso pa din siya,” dagdag ni Arellano. 

Samantala, wasak din ang isang kotse.

Gagamitin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang imbestigasyon ang CCTV footage ng insidente.

Walang namatay sa pangyayari at agad nadala sa ospital ang mga sugatan.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.