P12 minimum pasahe sa jeep, hinirit kontra dagdag-buwis sa petrolyo

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 09:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humirit ang mga transport group ng P12 na minimum fare sa mga jeep dahil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyong dulot ng inaprubahang tax reform.

Ayon sa grupong Pasang Masda, posibleng taasan nila ng P4 ang hiling na dagdag pasahe sa base fare, mula sa P2 dagdag na nakapaloob sa petisyong kasalukuyang nakahain sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Dahil umano ito sa nagmahal na spare parts at nakaambang pagtaas ng presyo ng diesel dulot ng excise tax na kasali sa reporma ng buwis, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes.

"Siguro gagawin namin diyan since P10, magfi-file kami ng P12," ani Obet Martin ng Pasang Masda.

Magiging epektibo ang tax reform simula Enero 2018.

Nasa P2.50 ang dagdag sa singil kada litro ng diesel at auto liquid petroleum gas (LPG), P2.65 na dagdag sa singil sa kada litro ng gasolina, P3 kada litro ng gaas, at P1 kada kilo ng LPG.

Paliwanag naman ni House ways and means committee chairperson Dakila Cua, kasali rin sa batas ang "mitigating measures" o programa para sa mga mahihirap na sapul sa pagtaas ng presyo.

Kabilang dito ang mga diskuwento para sa minimum wage earners at fuel subsidy ng mga tsuper.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.