Mga hinagupit ng 'Urduja', naghahanda naman sa banta ng 'Vinta'

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 09:43 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagbabala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Biliran sa mga residente hinggil sa posibleng ulang dulot ng bagyong "Vinta", kasabay ng patuloy na clearing operations na isinasagawa sa lalawigan matapos manalasa ng bagyong "Urduja". 

Nitong Huwebes, nag-ikot ang mga tauhan ng PDRRMO para balaan ang mga residente sa panibagong bagyo bagaman hindi inaasahan ang landfall nito sa lalawigan.

"Papalapit na si Vinta, sigurado apektado rin kami dito sa ulan," ani Sofronio Dacillo, pinuno ng PDRRMO-Biliran.

Abala naman ang mga residente sa paglilinis ng putik at paggawa ng mga pansamantalang madaraanan matapos mawasak ang ilang tulay at kalsada.

Tuloy rin ang operasyon para makuha ang mga labi ng pamilya Poyales na hanggang ngayo'y nakabaon pa rin sa landslide sa Barangay Lucsoon, Naval.

Pero sa halip na buong katawan, mga piraso na lang ang nakuha.

"Kung maaari today makuha natin 'yong remaining seven missing sa Barangay Lucsoon," ani Dacillo.

Naantala ang operasyon nang bumagsak ang ulan sa Biliran bandang tanghali.

Ninerbiyos ang mga residente gaya ni Lilia Basañez dahil sa abiso ng PDRRMO, kung hindi pa umano narinig ang babala'y hindi malalamang may panibagong bagyo. 

"Wala naman kaming kuryente, paano namin malalaman?" ani Basañez.

Isa si Basañez sa daan-daang maaaring palipatin ng tirahan para makaiwas sa trahedya tuwing tatama ang bagyo.

Ayon kay Biliran Governor Gerardo Espina Jr., kakausapin na niya ang mga residente sa oras na maayos ang mga problemang iniwan ni Urduja.

"Hindi puwedeng kada bagyo, warning kami and then mada-damage sila...mas maganda siguro mailagay sila sa isang lugar," ani Espina.

Pero giit ng ilang residente, kapuwa mahalaga ang kaligtasan at kabuhayan.

"Buhay at tsaka kabuhayan. Paano mabubuhay kung walang kabuhayan?" ani residenteng si Erlinda Amoto.

Ang mga residente naman ng Barangay Larazabal, hindi na kinaya ang hirap sa pagkakaputol sa kanilang tulay.

Nagtulong-tulong ang mga ito para gumawa ng footbridge sa gitna ng ilog.

Watch more in iWant or iWantTFC

Kulang sa relief

Sinimulan naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes na mamahagi ng relief goods sa mga nasalanta sa bayan ng Almeria, Biliran.

Ngunit hindi lahat ng mga residente ng Barangay Pulang Bato ay nabahaginan.

Ayon kay Alex Roble, kapitan ng Barangay Pulang Bato, nasa 50 pamilya lang ang nabigyan at marami pa ang nangangailangan.

Suliranin din ngayon ng halos buong bayan ang suplay ng tubig.

Hirap ang mga residente sa paglilinis ng mga gamit na nalubog sa baha at putik, kaya ang iba'y sa kulungan muna ng baboy nag-iigib at naglalaba dahil may tubig sa gripo.

Ayon kay Mayor Richard Jaguros, dalawa pa lang sa apat na pinagkukuhanan ng tubig ng bayan ang naibabalik.

Isa ang Almeria sa mga lugar sa lalawigan na nakaranas ng landslide dulot ng Urduja. Lima ang nasawi habang 14 ang nasugatan.

Nasa 3,000 ang apektadong residente dahil sa Urduja.

Watch more in iWant or iWantTFC

Panic buying dahil kay 'Vinta'

Nagsimula na ring mag-imbak ng bigas at iba pang pagkain ang ilang residente sa Cateel, Davao Oriental bilang paghahanda sa pagtama ni Vinta.

Natuto na umano sila sa sinapit nang manalasa ang bagyong "Pablo" noong 2012, na kumitil sa buhay ng higit 300 katao.

"Bumili na kami para handa kami kasi mahirap na. Noon sa Bagyong Pablo hindi talaga kami nakapaghanda noon," anang residenteng si Nene Tablasa. 

Ang iba'y namili ng gatas at tubig na maiinom.

Nag-umpisa na ring umulan sa lugar nitong Huwebes, habang nawalan naman ng kuryente sa ilang barangay sa Cateel dakong alas-9 ng umaga.

Kaya naman pila-pila na rin ang mga residente sa pagbili ng gaas bilang panghalili kung walang kuryente.

Ayon kay Roy Mondares, pinuno ng Cateel Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, nitong Miyerkoles pa lang ay plantsado na ang kanilang paghahanda lalo't posibleng mag-landfall ang Vinta sa kanilang bayan.

Apat na evacuation areas ang inihanda para pansamantalang tuluyan ng mga lilikas.

Handa na rin ang mga food pack at motor boat kung kakailanganin.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Melanie Bingco, Vina Araneta, at Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.