Listahan umano ng sangkap panggawa ng shabu nasabat sa Manila City Jail

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 05:36 PM

 

MAYNILA - Nasamsam ng mga awtoridad ang iba't ibang kontrabando nang galugarin nila ang mga selda sa Manila City Jail Huwebes ng umaga.

Kabilang sa mga nasabat sa raid ang mga matatalas na bagay, DVD player, pirated DVDs, lubid, baraha, sukang panggawa ng alak, construction tools, cellphone accessories, mga resibo at hinihinalang listahan ng mga sangkap panggawa ng shabu.

Ayon kay Senior Insp. Jayrex Bustinera ng Manila City Jail, partikular nilang nakuha ang mga kontrabando sa dormitoryo ng Bahala na Gang. 

"Na-identify natin ang mga owners," aniya.

Bukod sa pagkumpiska ng mga kontrabando, ang ilang preso ay isasailalim pa sa imbestigasyon dahil sa nabanggit na listahan at sa mga nakuhang deposit slip na tig-P90,000 bawat isa. 

"Allegedly, may parang [drug] recipe pero ipapa-confirm pa lang namin kung totoong recipe. 'Di pa namin alam kung talagang ano ito... isa-submit po namin ito sa PNP para ma-verify at sa PDEA," aniya. 

Aminado ang Bureau of Jail Management and Penology na bagama't pinipilit nilang hindi makapasok ang mga kontrabando, nakakapasok pa rin ang mga ito lalo't napapaligiran ang kulungan ng mga illegal settlers.

"May mga reports kami even sa nakaraan na may nagtatapon ng kontraband sa aming bakod. 'Di namin dini- discount ang possibility na may connivance din sa aming kasamahan," ani Bustinera. -- ulat ni Jasmin Romero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.