Lalaki, sugatan matapos barilin dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 12:33 AM

Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng kanyang kaibigan dahil umano sa selos sa Barangay Poblacion, Santol sa probinsya ng La Union noong Linggo.

Nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang hita si Felix Egipto, 48-anyos, na patuloy pang ginagamot sa ospital.

Hinahanap pa rin ng pulisya ang suspek na kinilalang si Rolando Gagaoin.

Ayon kay Chief Insp. Danilo Ligayo, hepe ng Santol Municipal Police Station, nagseselos umano ang suspek matapos niyang makita ang asawa na sinasakay sa motor ng biktima.

"Yan lang ang nakita namin na dahilan," aniya.

Ayon naman sa kapatid ng suspek na si Alberto, hindi niya lubos akalain na may ilegal na kalibre .45 na baril si Gagaoin na isang magsasaka.

"Hindi ko alam na magagawa niya yun. Mabait naman siya," aniya.

Posibleng mahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek. - ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.