Higit 300 LPG, ilegal na nire-refill, nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 05:30 PM

Sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes ang isang ilegal na refilling station ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Barangay Mambaling, Cebu City.

Nakompirma ng mga operatiba ng CIDG-Eastern Visayas na ilegal na nag-refill ng mga tangke ng LPG ang isang establisimyentong pag-aari umano ng isang Mark Masangkay.

Nakuha ang halos 350 tangke ng LPG at iba pang gamit sa pag-refill na tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon.

Wala naman si Masangkay nang isagawa ang operasyon.

Ayon kay Senor Inspector Edwin Lacostales, tagapagsalita ng CIDG-Eastern Visayas, nakatanggap sila ng intelligence report na posibleng may ilegal na refilling din ng LPG sa mga kalapit ng lalawigan tulad ng Bohol.

Nahuli ang isang driver ng delivery truck na si Romero Veri.

Pero iginiit ni Veri na hindi niya alam na ilegal ang kanilang operasyon.

Inatasan lang umano siyang mag-deliver sa Southern Cebu at hindi rin umano niya alam kung nasaan ang may-ari.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o LPG Industrial Rules ang may-ari ng establisimyento.

-- Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.