Dating preso, patay sa pamamaril sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 11:58 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay sa pamamaril ng mga nakamotorsiklong salarin ang isang dating preso sa Barangay Dadiangas West, General Santos City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Danilo Dante, 42 taong gulang. 

Ayon sa kanyang asawa na si Irish Sandra, nasa labas lang sila ng kanilang bahay at nasa duyan si Dante habang nag-uusap sila. Biglang lumapit ang gunman at sinabihan ang kanyang mister na huwag umalis.

Umalingawngaw na ang tatlong magkasunod na putok ng baril at nakita niyang nasawi na agad ang kanyang mister.

Hindi naman sinaktan ng bumaril si Sandra.

Hindi niya namukhaan ang bumaril at ang iba pa nitong mga kasamahan dahil nakasuot ang mga ito ng face mask.

Dagdag ng misis ng biktima, nasangkot sa pagnanakaw ang kanyang mister noong Pebrero sa isang mall sa lungsod.

Nakulong ito pero nakalaya noong Nobyembre matapos ma-dismiss ang kaso.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.