Bangkay ng mag-asawang senior citizen, nahukay sa landslide sa Romblon

Kevin Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 11:50 AM | Updated as of Dec 21 2017 03:04 PM

SAN FERNANDO, Romblon - (UPDATE) Natagpuan na ang bangkay ng mag-asawang natabunan ng gumuhong lupa sa bayan na ito noong kasagsagan ng bagyong Urduja.

Unang nahukay ng mga awtoridad ang bangkay ni Masuline Romero, 68, bandang alas-5:45 ng hapon noong Martes. May isang oras pa, nahukay ang bangkay ng misis niyang si Matilde, 62.

Hatinggabi nitong Sabado, Disyembre 16, nang gumuho ang lupa sa tinitirahan ng mag-asawang Romero sa Barangay Mabini, kasabay ng malakas na ulang dala ng bagyo.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na natutulog ang dalawa nang gumuho ang lupa malapit sa kanilang bahay. Nakaligtas ang 2 nilang anak na lumabas ng bahay bago ang landslide para isilong ang isang motorsiklo.

Samantala, dahil rin sa mga pagguho ng lupa sa bayang ito, maraming kalsada ang hindi pa madaanan. Patuloy ang clearing operations ng mga awtoridad sa lugar.

Aabot sa higit 40 ang namatay dahil sa mga epekto ng bagyong Urduja. Karamihan sa mga namatay na ito ay natabunan din ng gumuhong lupa, partikular na sa isla ng Biliran.