(3rd UPDATE) Patay ang apat sa mga sakay ng isang lumubog na fastcraft sa karagatang sakop ng Quezon province nitong Huwebes.
Dinala sa Claro M. Recto Memorial District Hospital sa Infanta, Quezon ang apat na bangkay na narekober mula sa lumubog na sasakyang pandagat.
Ayon kay Carmen Peñaverde, administrator ng ospital, bukod sa 4 na nasawi, may 12 nakaligtas na dinala din sa kanilang pagamutan.
"Apat 'yong patay na... Isa lang po ang identified, dahil may nakuha kaming wallet," ani Peñaverde.
Dalawampu't pitong iba pang sakay ang dinala sa barangay hall ng Dinahican, sabi sa DZMM ni Chief Inspector Mark Amat, hepe ng Infanta Quezon police.
Sinabi naman ni Lt. Commander Victorino Acosta, station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) Northern Quezon, 240 ang inisyal na bilang ng nailigtas mula sa fastcraft.
Mayroon 251 na sakay ang fastcraft nang lumubog ito sa pagitan ng Dinahican Point sa Infanta at Agta Point sa Polilo, Quezon bandang alas-11 ng umaga, ayon sa PCG.
Ipagpapatuloy bukas ang search and rescue operations.
Kinailangang ihinto ng PCG ang kanilang operasyon dahil sa umiiral na gale warning o babala ng sobrang lakas na alon bunsod na rin ng bagyong "Vinta".
Bago nito, nagpadala na ang PCG ng dagdag na rescue teams mula sa Batangas, pero bigo itong makalapit sa Quezon dahil sa mga naglalakihang alon, ayon kay PCG Commander Armand Balilo.
Nakipag-ugnayan din kanina ang PCG sa Southern Luzon Command ng militar para magpadala ng mga karagdagang barko at chopper para sa mas mabilis na rescue operation.
Iimbestigahan pa ang sanhi ng paglubog ng Mercraft-3 na galing sa Real, Quezon at patungo sana sa Polillo Island.
Ayon kay Acosta, isusumite sa Board of Marine Inquiry ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon para matukoy ang pananagutan ng kompanyang may-ari sa lumubog na fastcraft.
Dagdag ni Acosta, nakausap na ng PCG ang may-ari ng fastcraft at nangakong magbibigay ng ayuda sa mga biktima.
-- Ulat nina Henry Atuelan at Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, rehiyon, Philippine Coast Guard, PCG, coast guard, Real, Dinahican, Polillo, Infanta, Quezon, DZMM, Vinta, VintaPH, panahon, Henry Atuelan, Dennis Datu