3 patay sa salpukan ng tricycle at jeep

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 09:51 AM

Tatlong katao ang nasawi matapos na bumangga ang sinasakyan nilang tricycle sa isang pampasaherong jeep, Miyerkoles ng hapon sa highway ng Kabankalan City sa Negros Occidental.

Nasawi sa aksidente ang college teacher na si Liezel Garsula at kanyang estudyante na si Rosechelle Bartolome at tricycle driver na Edgar Capinig.

Si Bartolome ay magtatapos pa sana sa kursong Information Technology sa katapusan ng school year.

Ang 56-anyos na tricycle driver naman ay tumilapon pa mula sa kanyang tricycle.

Ayon kay Police Superintendent Rhea Santos, kumaliwa ang tricycle papasok sana sa subdivision nang mabangga ito ng humaharurot na jeep sa gitna ng daan.

Nakaladkad pa ng jeep ang tricycle hanggang sa mabangga ito sa poste, dagdag pa ng pulisya,

Pero ayon sa driver ng jeep na si Fernando Mahilum, biglang kumaliwa ang tricycle at hindi din ito nag-signal kaya hindi na niya napigilan ang pagbangga dito.

Nakakulong ngayon sa Kabankalan Police si Mahilum habang desidido naman ang pamilya ng mga biktima na sampahan siya ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.