131 OFW sa Hong Kong, di makakauwi sa Pasko dahil sa mga 'pekeng' tiket

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 09:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dismayado ang daan-daang overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong nang malamang hindi sila makakauwi sa Pilipinas ngayong Pasko dahil hindi opisyal na na-book ng isang travel agency ang ticket nila.

Nasa 131 OFWs ang dumulog sa Philippine Consulate sa Hong Kong matapos 'tumalbog' ang mga ticket na binili nila mula sa ahensiyang Peya Travel sa Central District, Hong Kong.

Isa na rito si Vicky Delino na noong Hulyo pa nag-book para makauwi.

"Flight ko na pero wala name ko sa flight na nakalagay Cathay [Pacific] po," ani Delino, na tatlong taon nang nagtatrabaho bilang domestic helper.

Sa isang Facebook post, humingi ng paumanhin ang Peya at nangakong haharapin nila ang responsibilidad sa nangyaring aberya.

 

Ayon sa Philippine Consulate sa Hong Kong, ipinatawag na nila ang may-ari ng ahensiya upang ipaliwanag ang aberya at humingi ng agarang solusyon sa patong-patong na reklamo.

"Sa personal assessment ko may fraud dito 'tsaka deception kasi tinanggap nila ang pera, binigyan sila ng resibo [pero] walang booking sa airline," ani Danilo Baldon mula sa Philippine Consulate in Hong Kong.

Nagbigay naman ng mga discount sa tickets ang ilang arlines para sa mga OFW na apektado ng pumalyang booking.

-- Ulat nina Katrina Domingo at Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.