11 BIFF patay, 4 sundalo sugatan sa engkuwentro sa N. Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 04:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napilitang lumikas ang halos 200 pamilya mula sa kanilang tahanan sa bayan ng Carmen at Aleosan, North Cotabato sa takot na maipit sa panibagong opensiba ng militar laban sa isang paksiyon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Bitbit ng ilang pamilya ang kanilang mga inaning mais para may makain.

"Umalis kami dahil may mga putukan 'yung mga eroplano, umalis kami. Hindi namin alam [sino ang kalaban]. Ang sabi ng mga tao mga ISIS," ani Madz Macalay, isa sa mga lumikas.

"Dati nandito rin kami nag-bakwit. Mahirap. Hindi ko na alam sabihin kung gaano kahirap," sabi naman ni Datu Ugalingan, isa ring lumikas na residente.

Martes ng madaling araw nang maglunsad ng panibagong opensiba ang militar laban sa grupo ni Esmail Abdulmalik alyas Abu Turaifie.

Nagpakawala ng mga bomba at bala ang mga air asset ng militar saka sinundan ng clearing operation ng mga tropa, kung saan nakaengkuwentro nila ang grupo ni Abu Turaifie.

Sa kabuuan, 11 ang namatay sa panig ng BIFF-Abu Turaifie faction. Walo rito ang napatay sa air strike habang tatlo sa engkuwentro.

Sa panig ng gobyerno, isang CAFGU ang napatay at apat na sundalo ang nasugatan.

"Nandiyan kasi sila nagtatago sa boundary ng Carmen, Aleosan, Banisilan and Alamada. 'Yung bundok na nasa likod natin, 'yan 'yung sinasabing boundaries, diyan sila nagtatago. Malaki ang area na 'yan kaya it's not easy for our soldiers to operate nang basta-basta," paliwanag ni Brigadier General Manolo Samarita, commander ng 602nd Infantry Brigade.

Beneberipika ng militar ang ulat na may kasamang foreigner ang grupo.

Walang ibinigay na timeframe ang militar kung hanggang kailan ang opensiba.

"Walang timeframe, tuloy-tuloy ito para mawala na sila diyan sa North Cotabato area. We will not stop until makuha na rin sila," dagdag ni Samarita.

Nagpapatuloy ngayon ang operasyon ng militar sa lugar.

--Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.