1 sugatan sa karambola sa SLEX

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2017 02:04 PM

MANILA - Sugatan ang isang drayber sa karambola ng limang sasakyan sa southbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa may bahagi ng Sucat, Parañaque bandang alas-5:00 ng umaga Huwebes.

Unang bumangga ang minamanehong dump truck ni Alvin Alcantara sa likod ng isang shuttle bus bago sumagi sa iniwasan nitong AUV. 

Sa bilis ng takbo, sumampa sa concrete barrier ang trak at saka tumaob sa isang motorsiklo ng Skyway patrol. Huminto ito nang tumama sa isa pang nakaparadang trailer truck.

Nakatalon naman agad ang patrolman sa motorsiklo bago tumama sa kaniya ang trak. Mistula umanong wala sa kontrol ang drayber ng trak, ayon kay Marcelo Delos Reyes, ang nagmamaneho ng AUV.

Agad itinakbo sa ospital ang drayber ng trak na si Ronald Juanillo matapos mabalian ng leeg. 

Mabigat na daloy ng trapiko ang resulta ng karambola na nagdulot pa ng standstill sa southbound lane ng SLEX hanggang sa Nichols Interchange hanggang alas-8:00 ng umaga. 

Nitong Martes, isa ring trak ang naaksidente sa SLEX. Dalawa ang sugatan sa insidenteng ito. Pinapayuhan ang mga motoristang mag-ingat sa pagmamaneho.-- ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.