LPA papasok sa PAR Huwebes, magpapaulan mula bisperas ng Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2016 11:31 AM

MANILA - Isang low pressure area (LPA) ang inaasahang papasok sa bansa Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng umaga, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Abiso ni PAGASA meteorologist Alvin Pura, huling namataan ang bagyo sa layong 800 kilometro mula sa Philippine area of responsibility, Miyerkules ng umaga.

"Inaasahan nating iyan ay kikilos pa-kanluran at didikit sa ating kalupaan sa araw ng Kapaskuhan sa darating na Sabado hanggang Linggo," ani Pura.

"Maaari itong magdala ng malalakas na pag-ulan, lalong-lalo na po kung saan ito dadaan. Inaasahan nating makakaapekto ito sa eastern section ng ating sa bansa araw o bago pa ang bisperas ng Kapaskuhan."

Mataas ang posibilidad na maging bagyo ang naturang LPA, dagdag ni Pura.

Sakaling maging bagyo, tatawagin anya itong "Nina." Maaari ring ito ang huling bagyong tatama sa bansa ngayong 2016.