PatrolPH

Higit 500 Badjao sa Surigao City sa kalsada nakatira matapos ang Odette

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2021 07:46 PM | Updated as of Dec 20 2021 08:01 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Humihingi na rin ng tulong ang nasa mahigit 500 katutubong Badjao na nakatira sa baybayin ng Surigao City matapos magiba ang kanilang mga bahay sa dagat dahil sa pananalasa ng bagyong Odette.

"Mahirap kalagayan namin, kahit sa pagkain mahirap talaga. Kumakain kami sa umaga, sa tanghalian, wala sa hapon... Uupo lang kami," ani Anna Angelin.

Mula sa pansamantalang tirahan sa tabing-kalsada na itinayo ng 537 Badjao o 168 na pamilya, matatanaw ang dating lugar kung saan sila nakatira.

Malayo na ito sa kinagisnan nilang bahay.

Walang nasawi sa kanila dahil maaga silang sumunod sa evacuation center. Pero matapos ang unos, panibagong hamon ang kinakaharap nila.

"Pagdating namin dito umiiyak na lang kami kasi wala na talaga kami makitang bahay at tsaka 'yung mga pump boat namin, gamit namin wasak lahat," hinaing ni Dahila Amad Araman, tribal leader.

Panawagan ni Araman, pagkain at tubig dahil sa ngayon, nagtitiis sila sa kung ano lang ang maibibigay ng mga kapwa nasalanta sa siyudad.

Nangangamba rin sila na kung magtatagal sila sa tabing-kalsada, baka masagasaan ang kanilang mga anak ng mga dumaraang sasakyan.

Patuloy naman ang pagdagsa ng tao sa tabing-bundok sa Barangay Pungtod sa Alegria, Surigao del Norte para makapag-text at makatawag sa kanilang mga kamag-anak.


—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.