PatrolPH

Bilang ng mga nasawi sa Bagyong Odette umakyat sa 208: PNP

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2021 06:56 PM

Pinsalang inabot ng Dinagat Island mula sa Bagyong Odette. Retrato mula sa Office of the Vice President.
Pinsalang inabot ng Dinagat Island mula sa Bagyong Odette. Retrato mula sa Office of the Vice President.

Umabot na sa higit 200 ang bilang ng mga naiulat na nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette, sabi ngayong Lunes ng Philippine National Police (PNP).

Sa tala ng PNP na base sa ulat ng kanilang mga istasyon, 208 ang nasawi dahil kay Odette, ang pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon.

Nasa 239 naman ang nasaktan at 52 ang nawawala, sabi ng PNP.

Ayon sa pulisya, nagpakalat na sila ng higit 12,000 pulis upang magsagawa ng search and rescue operation, magdala ng relief goods at magbantay ng mga evacuation center.

Pero kapansin-pansing iba ang numero ng PNP sa bilang ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na may 58 pa lang na naitalang patay, kung saan 4 ang kumpirmado.

Ipinaliwanag ng NDRRMC na hindi tugma ang kanilang bilang sa PNP dahil maingat sila sa paglalagak ng pinal na datos ng mga nasawi at nasaktan.

Hindi naman umano sinasantabi ng NDRRMC ang ulat ng PNP, sabi ng tagapagsalita ng NDRRMC na si Mark Timbal.

Inaasahan din umano ng NDRRMC na tataas pa ang bilang ng mga nasawi at nasaktan sa mga susunod na araw habang pumapasok pa ang mga datos mula sa mga apektadong lugar.

Sa paunang ulat ng NDRRMC, umabot na sa P225 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng Bagyong Odette sa impraestruktura habang P118 milyon naman sa agrikultura.

Nagpapatuloy naman ang rescue operations, at pagsasaayos ng kuryente at signal ng telepono sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.

Ayon naman kay Department of Social Welfare and Development spokesperson Irene Dumlao, higit 450,000 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo, karamihan ay nasa mga evacuation center pa rin.

Ayon sa NDRRMC, sapat pa sa ngayon ang pondo ng gobyerno upang tugunan ang pangangailangan ng mga tinamaan ng Odette.

Aminado naman si Civil Defense Deputy Administrator for Operations Casiano Monilla na nagulat siya sa pinsalang dala ng Odette pero ginawa naman ng pamahalaan ang lahat para makapaghanda sa bagyo.

Sa Surigao del Norte, nagpasa ng resolusyon ang provincial disaster office na nananawagan sa Sangguniang Panlalawigan ng magdeklara ng state of calamity.

Ito'y para mapabilis anila ang paglabas ng tulong pinansiyal ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo.

Patuloy naman ang panawagan ng mga taga-Surigao del Sur para sa pagkain, gamot, higaan, unan, mosquito nets, at mga gamit para sa pagpapatayo muli ng mga bahay.

Nagsimula naman nang mamahagi ang ilang lokal na pamahalaan ng relief packs sa mga residente pero aminado silang kulang pa ito.

— Ulat nina Raffy Santos at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.