PatrolPH

Mga bus na bumibiyahe papuntang mga probinsiya dadagdagan sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2020 04:49 PM | Updated as of Dec 20 2020 05:48 PM

Mga bus na bumibiyahe papuntang mga probinsiya dadagdagan sa Lunes 1
Mga bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange nitong Disyembre 20, 2020. ABS-CBN News

Nasa 269 bus ang madadagdag sa mga puwedeng bumiyahe sa 10 rutang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) papunta ng mga probinsiya simula Lunes, Disyembre 21.

Ito ay iyong mga point-to-point utility bus na pinapayagan ng LTFRB at mga lokal na pamahalaan na bumiyahe galing Metro Manila.

Kasama sa mga ruta ang mga sumusunod:

  • Clark, Pampanga - SM North EDSA
  • Clark, Pampanga - NAIA Terminal (With Limited Stop in Ortigas)
  • Clark, Pampanga - Lubao, Pampanga (With Specials Stops in San Fernando and Angeles City)
  • Clark, Pampanga - Dagupan, Pangasinan (With Special Stops at Rosales and Urdaneta, Pangasinan)
  • Clark, Pampanga - Subic, Zambales (With Special Stop at Dinalupihan, Bataan)
  • NAIA/Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx) - Baguio City
  • Batangas City - Ortigas
  • Batangas City - Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx)
  • Lipa City, Batangas - Ortigas
  • Lipa City, Batangas - Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx)

Dinagdagan umano ang mga bus bilang tugon sa inaasahang dami ng mga pasaherong bibiyahe pauwi ngayong holiday season.

Ayon kay Joel Bolano, technical division head ng LTFRB, bawal dumaan ang mga provincial bus sa EDSA.

Watch more on iWantTFC

Halimbawa, ang mga biyaheng pa-Ninoy Aquino International Airport at Parañaque Integrated Terminal Exchange mula Pampanga at Baguio ay dadaan sa A. Bonifacio.

Sa Mindanao Avenue naman ang daan ng mga bus na may rutang pa-SM North Edsa.

"'Yong Baguio naguubusan na ngayon. Mabilis mapuno 'yan. Pangalawa ang pa-Batangas City. Payo sa mga kababayan na mag-inquire sila nang maaga," ani PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador.

Ayon sa PITX, mula sa 50,000 pasahero kada araw nitong mga ankaraang buwan, umabot na ito sa 61,000 hanggang 65,000 kad araw ngayong Disyembre.

"Ramdam na ramdam sa terminal natin na tuloy na tuloy talaga ang Pasko," ani Salvador.

Kaya para matiyak na naipapatupad nang maayos ang health protocols, gaya ng pagsuot ng face mask at shield, nagdagdag na rin ng mga pulis sa mga terminal.

Sa loob ng mga bus, limitado pa rin ang bilang ng mga pinasasakay.

One seat apart ang mga pasahero, maliban na lang kung mag-asawa o magkamag-anak.

Umaasa ang pamunuan ng PITX na mas dadami pa ang mga uuwi ng probinsiya sa mga susunod na araw kaya ipinapayo rin nila sa mga pasahero na mag-advance ng booking at siguruhing kumpleto ang mga kailangang dokumento.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.