Tone-tonelada ng kamote, ibinahagi ng mga Aeta sa Maynila bilang pamasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 04:59 PM | Updated as of Dec 20 2019 10:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Kung dati ay mga katutubo ang namamasko sa kamaynilaan, ngayon ay nag-ala Santa Claus ang isang grupo ng mga Aeta mula Capas, Tarlac nitong Biyernes matapos magpamigay ng aabot sa 10,000 na kilong kamote sa mga residente ng Baseco sa Maynila.

Tig-dadalawang kilo ng kamote ang ipinamahagi ng mga Aeta sa bawat taong pumila, na aabot umano sa 5,000. Napuno ang covered court kung saan isinagawa ang pamimigay.

"Pinagusapan namin kung ano ang pwede namin i-Christmas sa mga kapwa namin mahihirap. Ang napagkasunduan namin ay kung ano ang aanihin namin," ani Nelson Pangilinan, isang tribal chieftain.

 

Umalalay sa pamimigay ang Philippine Air Force (PAF), Philippine National Police (PNP), at Cooperative Development Authority.

Ayon sa mga Aeta, sila naman ang namigay ng regalo ngayon kumpara dati na sila ang bumababa sa Maynila para mamasko.

Noong 2018, maraming katutubo ang hinuli sa Quezon City dahil umano sa pamamalimos na hininala ng mga awtoridad na organisado ng isang sindikato.

Ngayon, gusto lang umano ng mga Aeta mabago ang impresyon sa kanila at umaasa na balang araw, ay magiging isa rin ang mga kulot at unat.

"Gusto lang namin magpasaya ngayong Pasko na ito. Darating ang panahon na hindi na magkakahiwalay ang mga kulot at unat," ani Jober Ocampo, isang Aeta.

- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.