Senior citizen patay matapos masagasaan sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 04:51 AM | Updated as of Dec 20 2019 07:41 AM

DAVAO CITY—Patay ang 61 anyos na si Santiago Ping Uy matapos masagasaan ng pickup habang tumatawid sa pedestrian lane sa MacArthur Highway, Davao City nitong Huwebes ng gabi.

Ayon sa mga nakakita, malapit na sanang makarating umano sa kabilang lane ang biktima nang biglang mabangga ng pickup.

"Galing siya sa loob bale may delivery siya. Lumabas siya tapos sa pagtawid niya sa pedestrian bigla siyang binangga ng pickup," ani Habib Mamalinta, isa sa mga nakasaksi sa insidente. 

Agad sumuko sa mga awtoridad ang driver ng pickup.
Ayon sa Toril Police Station, posible umanong matulin ang takbo ng pickup at hindi agad nakita ng driver ang patawid na matanda.

"Naghahanap pa tayo ng karagdagang witness para makapagsabi ng totoong nangyari lalo na at may patay," sabi ni Police Lt. Col. Jed Clamor.

Posibleng kasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting in homicide.—Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.