'Mga pulis na naabsuwelto sa Maguindanao massacre puwede pang kasuhan'

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 09:50 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Posible pa ring kasuhan ng mga reklamong administratibo ang mga pulis na napawalang-sala sa karumaldumal na Maguindanao massacre, ayon sa isang abogado. 

"Substantial evidence lang ang kailangan sa isang administrative case sa halip na proof of guilt beyond reasonable doubt," ani Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group (FLAG). 

Karamihan sa mga naabsuwelto sa kaso ay mga pulis. 

Higit 1 dekadang naglitis sa kaso na natapos noong Huwebes nang maglabas na ng desisyon si Quezon City Regional Trial Court Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes.

Guilty sa mga kasong murder sina Datu Andal "Unsay" Ampatuan, Jr., Datu Zaldy "Puti" Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, Sr., Datu Anwar Ampatuan, Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan, at iba pang mga sinasabing mastermind ng krimen. 

Samantala, nangangamba ang ilang naulila at mga testigo sa kanilang seguridad sa pagpapalaya sa ilang dawit sa masaker.

Dahil dito, umapela si Maguindanao Rep. Esmael "Toto" Mangudadatu ng dagdag-tulong pinansiyal para sa mga tumestigo sa kaso. 

"Lalo na ngayon mas delikado sila sa buhay nila. Bukod sa maprotektahan sila, 'yung kanilang pamilya naman, paano sila makaka-survive?" ani Mangudadatu. 

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.