Lalong pagbigat ng trapiko inaasahan sa pagdagsa ng last-minute Christmas shoppers

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 07:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagsimula nang dumagsa sa mga mall ang mga last-minute shoppers na nais mamili ng mga regalo at ihahanda sa Pasko, dahilan para bumigat ang daloy ng trapiko sa ilang parte ng Kamaynilaan.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, inaasahan pang bumigat ang daloy ng trapiko habang papalapit ang weekend.

Ayon kay EDSA traffic chief Bong Nebrija, inaasahang bibigat ang trapiko sa Shaw Boulevard at Ortigas, na pinapaligiran ng mga mall.

"Go with your plans. This is Christmas, minsan lang sa isang taon ito. Enjoy the festivities. Ang sa akin na lang, if you will be driving, please extend your patience. Magbaon ng konting pasensya. Plan your travel well," ani Nebrija

Ngayon pa lang, mabigat na ang daloy ng trapiko sa ilang lugar sa EDSA - Northbound, kasama ang Muñoz pa-Balintawak, Ortigas hanggang Cubao, Boni Avenue, Tramo hanggang Magallanes.

Mabigat din ang daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard intersection sa may P. Ocampo hanggang Buendia, Pasay, at LRT - Baclaran.

Nagsimula na ring dumagsa sa mga bus terminals ang mga nais umuwi sa mga probinsiya ngayong holiday season.

Fully booked na ang ilang biyahe papuntang Camarines Norte at Baguio hanggang Disyembre 24.

Fully booked naman ang biyahe mula Disyembre 20 hanggang 28 ang biyaheng pa-Bicol.

Lifted naman ang number coding para sa provincial buses sa Disyembre 23, 24, 26, 27, 31, at Enero 2, 2020.

Payo ng MMDA sa mga pribadong sasakyan na dumaan sa mabuhay lanes para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.