Lalaki tiklo sa 'sextortion' sa Grade 10 student sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 01:19 AM

MAYNILA—Arestado ang isang lalaki matapos umanong mangikil sa isang dalagita kapalit ng hindi pagpapakalat ng maseselang larawan at video nito sa social media.

Nahuli ang 19 anyos na suspek matapos nitong tanggapin ang pera sa isang remittance center sa Taguig City Miyerkoles ng gabi.

Kuwento ng 15 anyos na biktima, nag-chat sa kaniya ang suspek gamit ang pangalan ng ibang lalaki at nag-aalok ng raket.

Pinakukuhanan ng suspek ang biktima ng mga larawan at video na kita ang dibdib nito.

Matapos ang ilang araw, kinuha ng suspek ang password ng social media account ng biktima bilang bahagi umano ng transaksiyon.

Dito na binantaan ng suspek ang biktima na ikakalat ang mga maseselang larawan at video nito kung hindi magbabayad ng P500.

Grade 10 student ang biktima na ang kasama sa bahay sa Tanza, Cavite ay ang kapatid at mga pinsan. Nasa labas ng bansa ang kaniyang ina habang naka-base sa Pampanga ang ama.

Ayon kay Police Col. Julius Suriben, hepe ng Regional Anti-Cybercrime Unit-Calabarzon, mahalaga ang paggabay ng magulang, lalo na sa mga menor de edad na anak.

"Without proper guidance, without proper care ay baka lalo silang ma-hook sa social media at magkakaroon ng ganitong problema," aniya.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, robbery-extortion at RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.—Ulat ni April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.