Lalaki arestado dahil sa pambubugbog sa dating kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 05:30 AM

MAYNILA—Arestado ang isang 30 anyos na lalaki matapos ireklamo ng kanyang ex-live-in partner ng pambubugbog nitong Huwebes sa Maynila. 

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Manila Police District Station 7, natutulog sa loob ng bahay ang biktima nang bigla na lang pumasok sa bahay ang suspek at kinuha ang cellphone ng babae. 

Nagising ang biktima at pilit nitong kinukuha ang cellphone niya mula sa suspek. 

Sinubukang lumabas ng bahay ng babae pero nahawakan ng suspek ang buhok nito at hinila pabalik ng bahay. Hinataw din ng suspek ang biktima. 

Humingi ng tulong sa barangay ang kapatid ng biktima para mahuli ang suspek. 

Kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act ang kakaharapin ng suspek.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.