Ilang naabsuwelto sa Maguindanao massacre nagsimula nang palayain

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 08:53 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sinalubong ng kanilang mga mahal sa buhay ang mga akusado sa Maguindanao massacre na pinawalang-sala sa makasaysayang paghahatol noong Huwebes.

Pagkalabas ng gate ng Camp Bagong Diwa, mahigpit na yakap ang sumalubong sa mga lalaking ngayon lang nakatikim ng kalayaan makalipas ang isang dekada.

Inabot ng hatinggabi ang paghihintay sa kanila ng mga kaibigan at kamag-anak sa labas ng bilangguan habang prinoproseso ang release papers nila mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Pagkatapos nito, nilakad na ng mga naabsuwelto ang gate para ipakita ang mga papeles sa mga bantay na pulis.

Tila nakahinga sila nang maluwag matapos ang 10 taon nilang paghihintay ng hatol dahil sa pagiging akusado sa Maguindanao massacre.

"Masarap ang pakiramdam, wala kaming kasalanan," ayon sa isang nakalaya.

Mga pulis ang karamihan sa mga pinawalang-sala.

Kaya para sa gaya ni Warden Legawan, dating pulis, bindikasyon ang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes.

"Nagpapasalamat kami sa Allah nadinig din 'yung aming panalangin," ani Legawan.

Balak ni Legawan bumalik sa pagkapulis at umaasang makatatanggap ng back pay na gagamitin para sa edukasyon ng mga anak.

Ayon sa BJMP, nasa 40 na sa mga na-acquit na hawak nila ang nakalabas na mula Huwebes ng gabi.

—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.