Dalagita patay matapos makuryente sa Christmas display sa Quezon

April Rose Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 01:18 AM | Updated as of Dec 20 2019 04:06 AM

Patay ang isang 14 anyos na dalagita matapos makuryente sa isang pampublikong Christmas display sa Mulanay, Quezon nitong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ma. Precila Sabid Penaflor, isang estudyante.

Ayon kay Patrolman Juan Ferador Alzate, assistant investigator ng Mulanay Police, namamasyal ang biktima kasama ang mga kaibigan nang mangyari ang insidente.

Nagse-selfie umano ang biktima nang aksidenteng mahawakan ang live wire.

Naka-display sa baywalk ng bayan ang nasabing Christmas display.

Kasalukuyang nakaburol sa kanilang tirahan sa Barangay Butanyog ang biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.