Dalagita, natagpuang sugatan matapos halayin sa Davao del Norte

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 10:32 PM

SAMAL, Davao del Norte - Natagpuang walang malay at sugatan matapos halayin ang isang 16-anyos na babae sa distrito ng Babak sa Samal, Davao del Norte nitong Huwebes.

Nakataas ang damit at walang saplot na pang-ibaba ang biktima nang matagpuan siya malapit sa isang tambak ng basura sa Barangay Villarica.

Ayon sa barangay police na si Ernesto Sepada, walang malay at halos hindi na makilala ang mukha ng biktima dahil sa dami ng sugat ng madatnan nila.

"May butas ang kaniyang pisngi matapos hinampas ng bato. May pasa rin siya sa kaniyang puson," aniya.

Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang biktima.

Nagpaalam umano sa kaniyang live-in partner ang biktima para pumunta sa isang internet cafe noong Miyerkules ng gabi.

"May Christmas party sila [noon]. Siguro nabagot siya kaya nag-internet, pero hindi na nakabalik," ani Janeth, ina ng biktima.

Kinumpirma ng Babak Police na ginahasa ang biktima dahil sa nakitang laceration sa kaniyang ari.

May person of interest na ang pulisya sa insidente.

"May mga witnesses na nakapagturo na barkada lang ng biktima ang suspek," ani Police Maj. John Rendaje, station commander ng Babak Sub-Station.

Iniimbestiga pa ng pulisya ang pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.