8 arestado sa iba't ibang modus sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Ngayong papalapit na ang Pasko, sari-saring scam na ang naglilipana upang manamantala ng mga Pinoy.

Kamakailan, sinalakay ng National Bureau of Investigation-Anti-Fraud Division (NBI-AFAD) ang isang multilevel marketing office sa Quezon City na natuklasang walang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).
    
Nagbebenta ang mga ito ng mga pampapayat at "love potion" na kape at tsaa, pero wala silang certification mula sa Securities and Exchange Commission.

"I-check niyo muna kung anong produkto 'yan, hindi 'yung naniniwala agad," ani NBI-AFAD chief Irvin Garcia.

Samantala, inaresto naman ng NBI-Special Action Unit (SAU) ang isang Liberian national sa isang entrapment operation.
    
Nagbebenta daw kasi ito ng kemikal na nakakapagproseso umano ng dolyar. Ito ang tinatawag na black dollar scam.

"It's like a budol-budol, however, nag-evolve na siya and it involves foreign bank notes, US dollar," ani NBI-SAU chief Emeterio Dongallo.

Pinasok din ng NBI ang isang opisina sa Caloocan na natuklasang nagbebenta ng insurance kahit hindi sila rehistrado sa Insurance Commission.
    
Wala rin silang trust fund para sa mga plan holder.

Sumatotal, 8 ang natimbog sa 3 operasyon ng NBI.

Paalala ng NBI, laging i-double check kung kumpleto ang mga registration ng mga kumpanyang nag-aalok ng produkto at serbisyo.


—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.