70 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Cebu

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 11:21 PM

Aabot sa 70 pamilya ang nawalan ng bahay sa Barangay Inayawan sa Cebu City matapos masunog ang mga ito Biyernes ng hapon, Disyembre 20, 2019.

CEBU CITY - Aabot sa 50 bahay ang sumiklab sa sunog sa Sitio Lourdes sa Barangay Inayawan sa Cebu City Biyernes ng hapon.

Natanggap ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Cebu City ang alarma ng sunog alas 4:37 ng hapon bago ito itinaas sa third alarm alas 4:59 ng hapon.

Dineklarang under control alas 5:20 ng hapon ang sunog.

Sa imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng mag-asawang Joseph at Clarissa Bonghanoy.

Gawa sa light materials ang mga bahay na naapektuhan kaya mabilis kumalat ang sunog.

Aabot sa 70 pamilya ang nawalan ng bahay kaya pansamantala silang maninirahan sa gym ng Inayawan.

Tinatayang aabot sa P100,000 ang danyos sa sunog. Wala namang naitalang malubhang nasugatan.

Iniimbestigahan na ng BFP ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.