70-anyos na pawikan, ibinalik sa dagat matapos matagpuan sa Ilocos Norte

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 11:32 PM | Updated as of Dec 21 2019 12:51 AM

Isang 70-anyos na pawikan ang natagpuan at ibinalik ng mga residente sa tabing-dagat sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte nitong Biyernes, Disyembre 20, 2019. Sugatan umano ito nang matagpuan.

Isang 70-anyos na pawikan ang natagpuan at ibinalik ng mga residente sa tabing-dagat sa bayan ng Badoc sa Ilocos Norte nitong Biyernes.

Ayon sa mga residente ng Sitio Bangbanga sa Barangay Lacuben, kinuha nila muna ang pawikan matapos ito matagpuan alas 2 ng madaling araw sa pampang bago ito ibinalik.

Naglagay ng tag sa pawikan ang provincial fisheries coordinator and regulatory officer ng Ilocos Norte.

Isa umanong olive ridley turtle ang pawikang nakitaan ng sugat sa likod. Pero ayon kay Arthur Valente ng provincial fisheries office ng bayan, maaaring matagal na ang nasabing sugat.

Napansin din nila na tila ayaw bumalik noong una sa dagat ang pawikan. Maaaring napagod umano ito o baka may dating nag-aalaga sa kaniya.

Ayon sa fisheries office, i-report sa kanila kapag may nakitang pawikan para maalalayan ang pagbabalik nito sa dagat.

Kabilang ang Badoc sa listahan na nesting site ng mga pawikan sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.